Tanker driver na shabu dealer, nakasuhan na

Nahaharap na sa kaukulang kaso ang isang fuel tanker truck driver na sinabayan ang trabahong pagbibyahe sa ibat-ibang probinsya at lungsod sa Mindanao ng paghatid ng shabu sa kanyang mga contacts sa naturang mga lugar. Sa pahayag nitong Huwebes, June 13, 2024, ni Aileen Lovitos, director ng Philippine Drug Enforcement Agency-12, nasampahan na nila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Lloyd Macias Villegas, na-entrap sa poblacion ng Alabel sa probinsya ng Sarangani nitong Lunes. Matagal ng high-value target ng mga kasapi ng PDEA-12, PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng Police Regional Office-12 si Villegas na mismong mga manggagawa ng ibat-ibang fuel retail stations sa ibat-ibang lungsod sa Central Mindanao ang nagkumpirma kina Lovitos ng kanyang pagbebenta ng shabu sa mga contacts sa kani-kanilang mga lugar. Agad na nakulong si Villegas matapos mabilhan ng mga hindi unipormadong mga PDEA-12 agents at mga pulis ng P31,000 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation nitong Lunes sa Alabel, nailatag sa tulong ng mga impormante at mga local officials sa naturang bayan. (June 13, 2024)