Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P523,000 na halaga ng sigarilyong mula sa Indonesia sa mga hiwalay na anti-smuggling operations sa Sulu at Tawi-Tawi nitong Huwebes.
Sa pahayag nitong Biyernes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, nasamsam ng kanilang mga operatiba ang P148,000 na halaga ng mga imported na sigarilyo mula sa ilang mga tindahan sa Barangay Poblacion sa Bongao, kabisera ng Tawi-Tawi.
Kusang loob namang ipinakustodiya na sa Bongao Municipal Police Station ng mga negosyante ang mga imported na sigarilyong kanilang binebenta ng maipaliwanag sa kanila ng mga magkasanib na mga kasapi ng Bongao Municipal Police Station at ng Tawi-Tawi Provincial Police Office na bawal ang pagbebenta ng mga imported na sigarilyo ng walang kaukulang pahintulot sa pamahalaan.
Unang nakumpiska nitong Huwebes ng mga pulis ang abot sa P375,000 na halaga ng sigarilyong ibat-iba ang mga brand na gawa sa Indonesia na nakaimbak sa malapit sa isang dungguan ng mga maliliit na sasakyang pandagat sa Barangay Tulay sa Jolo, kabisera ng Sulu.
Ang naturang kontrabando ay nakatakda na sanang ihahatid ng mga smugglers sa ilang mga tindahan sa Jolo ngunit iniwan na ng mga ito ng napansin na may parating na mga pulis mula sa Jolo Municipal Police Station na naatasang magsiyasat sa ulat ng mga residente hinggil pagdaung sa maliit na pier sa kanilang barangay ng isang bangkang de-motor na may kargang smuggled na mga sigarilyo. (JUNE 21, 2024)