Mga Blaan naka-benipisyo sa joint LGU-private firm medical mission

Halos 1,000 na mga mahihirap na kasapi ng tribong Blaan ang nakabiyaya sa isang medical mission kamakalawa ng magkasanib na local government unit ng Kiblawan sa Davao del Sur at isang mining company na nakatakda ng mag-mina ng copper at gold sa South Cotabato sa susunod na taon.Sa ulat nitong Lunes ng umaga ng mga himpilan ng radyo sa mga lungsod ng Kidapawan, General Santos at Koronadal, kinumpirma ng ilang local officials ng Kiblawan, kabilang sa kanila si Mayor Joel Calma, na marami sa mga nakabiyaya sa naturang medical mission sa Kimlawis, magkatuwang na isinagawa ng mga barangay officials at ng mga kawani ng Sagittarius Mines Incorporated (SMI), ay mga matatandang mga Blaan at ilang mga batang may ibat-ibang karamdaman.Nakatakda ng isagawa ng SMI, sa pahintulot ng national government, ng central office ng Department of Environment and Natural Resources, ng National Commission on Indigenous Peoples at ng mga Blaan tribal councils, ang Tampakan-Copper Gold Project sa Tampakan sa South Cotabato kung saan mayroong tinatayang US$ 200 million na halaga ng copper at gold deposits sa mga Blaan ancestral lands sa naturang bayan.Sakop ng magiging operasyon ng Tampakan-Copper Gold Project sa Tampakan, 16 kilometro lang ang layo sa Koronadal City na siyang kabisera ng South Cotabato, ang ilang mga barangay sa Kiblawan at sa mga bayan ng Columbio at sa Malungon sa mga probinsya ng Sultan Kudarat at sa Sarangani, ayon sa pagkakasunod. (May 13, 2024)