Daan-daang mga residente ng Wao, Lanao del Sur ang nag-rally nitong umaga ng Huwebes, March 7, bilang pagtutol sa mungkahi ng isang Bangsamoro parliament member na hatiin sa dalawa ang kanilang bayan. Halinhinang tinuligsa ng mga tagapagsalita ng mga raliyista ang nais ni Bangsamoro Parliament Member Ali Montaha Babao, sa pamamagitan ng Parliament Bill 271, na itatag ang bayan ng Pilintangan na sasakop sa 11 sa kabuuang 26 na mga barangay na kasalukuyang sakop ng Wao. Mismong si Mayor Elvino Balicao, Jr. at mga halal na mga opisyal ng 26 na mga barangay ng Wao ang nagkumpirma sa mga reporters nitong Huwebes na wala man lang ginawang konsultasyon o dayalogo sa kanila si Babao o sino man sa parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, bago ihinain ang Parliament Bill 271 sa naturang regional lawmaking body. Bitbit ang mga placards, magkasama ang mga Muslim at mga Kristiyanong residente ng Wao, isang mapayapa at progresibong bayan sa unang distrito ng Lanao del Sur, sa isinagawang rally sa sentro ng naturang bayan. Ayon kay Balicao, nararapat lang na pakinggan ng 80 na mga miyembro ng BARMM parliament na ibasura ang PB 271 na ihinain ni Babao na para sa mga residente ng Wao ay hindi karapatdapat na suportahan kung tatakbo para sa regional parliament sa 2025 elections. (March 7, 2024)
Paghati sa Wao, Lanao del Sur tinutulan

