BIFF leader napatay sa Maguindanao del Sur

Napatay ng mga sundalo ang isang wanted na miyembro ng teroristang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at naaresto ang kanyang ama sa isang engkuwentro madaling araw nitong Lunes sa Barangay Pidsandawan sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.Sa isang pahayag nitong Miyerkules, March 6, 2024, kinumpirma ng 6th Infantry Division na naka-base sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang pagkamatay sa naturang insidente ni Mohammad Nanding at pagkakatagpo ng mga sundalo sa tabi ng kanyang bangkay ng isang 5.56 M653 assault rifles, mga bala at iba pang mga gamit.Sumiklab ang palitan ng putok nila Nanding at mga tropa ng 33rd Infantry Battalion ng kanyang paputukan ng assaut rifle ang dalawang pangkat ng mga sundalo habang lumalapit sa kanyang kinaroonan upang mag-siyasat sa mga ulat ng mga residente ng Barangay Pidsandawan hinggil sa presensya doon ng mga armadong kalalakihan na sapilitang nanghihingi ng pera sa mga walang kalaban-labang mga magsasakang mga Moro.Kusang loob na sumuko sa mga sundalong nakapatay kay Nanding ang kanyang ama na isa din sa target ng naturang anti-terror operation ng 33rd IB dahil, katulad ng kanyang napaslang na anak, wanted din sa mga kasong multiple murder, arson at extortion na nakabinbin sa ibat-ibang mga korte. Agad nang ipina-kustodiya ng 33rd IB ang sumukong ama ni Nanding sa lokal na pulisya. (March 6, 2024)