Halos P1M halaga ng shabu nasamsam sa Maguindanao Norte

Nakumpiska ng mga pulis ang P985,728 halaga ng shabu mula sa dealer na nalambat sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Lunes ng hapon, December 16, 2024.

Sa pahayag nitong Martes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa kustodiya na nila ang suspect na si Amir Kasim Upam, na-entrap sa Barangay Poblacion ng Datu Odin Sinsuat sa isang anti-narcotics operation na magkatuwang na inilatag ng mga tropa ng pulisya sa naturang bayan at ng mga kasapi ng Sultan Kudarat Municipal Police Station.

Unang nagtangkang manlaban si Upam ng aarestuhin na ng mga operatiba ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, pinangungunahan ng kanilang hepe na si Lt. Col. Esmael Madin, matapos ang kanilang palitan ng shabu at pera, ngunit naigupo din ng mabaril at tamaan ng bala sa tiyan.

Ayon kay Macapaz, plano sana nila Madin na sa Barangay Salimbao sa Sultan Kudarat isagawa ang naturang entrapment operation, ngunit nailipat ito sa sentro ng Datu Odin Sinsuat sa kahilingan ni Upam at ng kanyang kasabwat na si alias Ricky na mabilis na nakatakas ng mahalatang mga pulis pala ang kanilang nabentahan ng 144 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P985,728.

Ayon kay Macapaz, magkatuwang na naikasa ng mga pulis sa Datu Odin Sinsuat, pinamumunuan ni Lt. Col. Samuel Roy Subsuban, ang naturang operasyon sa tulong ng mga impormanteng alam ang malakihang pagbebenta ng shabu sa Maguindanao del Norte ni Upam at ang nakatakas niyang kasabwat na si Ricky na may koneksyon diumano sa teroristang grupong Dawlah Islamiya. (Dec. 17, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *