
Nagpaabot na ng mga hiwalay na inisyal na ayuda ang tanggapan ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. at ang Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pamilya ng apat na nasawi ng tamaan ng isang malaking puno na nabuwal ng malakas na hangin nitong Biyernes, September 13, 2024, sa Barangay Cabsaran sa Malabang, Lanao del Sur.
Ang mga nasawi, noon sakay ng isang tricycle, na sina Jehana Cali Alikan, 12-anyos, Janah Tantao Palawan, 12-anyos, Alyssa Airoden Sadain, 15-anyos at ang pitong-taong-gulang na si Sittie Harah Manioba, ay hindi na umabot ng buhay sa hospital.
Malubhang nasaktan sa insidente ang tricycle driver na si Napi Abdulazis, 18-anyos, si Abdulwaffy Mauntol, 17, at ang siyam-na-taong gulang na si Abdulwaffy Mauntol, ginagamot na sa Doctor Serapio Montañer Memorial Hospital sa Malabang, isang seaside municipality sa Lanao del Sur na sakop ng Bangsamoro Region.
Tatlo sa mga nasawi, sina Alikhan, Palawan at Sadain ay mga estudyante ng Al-Falah Qur’an Learning Centre, isang Islamic school sa Malabang.
Kasaluyang inaalalayan na ng tanggapan ni Gov. Adiong, sa pamagitan ng kanilang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, at ng mga provincial personnel ng MSSD-BARMM ang mga pamilya mga nasawi sa insidente at ang mga nasaktan na ginagamot na sa isang hospital. (September 15, 2024, Handout Photo)