Isa na namang barangay chairman sa Central Mindanao ang napatay sa pamamaril, isang araw lang makalipas ang pagkamatay sa pag-ambush ng mga hindi na tukoy na mga salarin ng isa pa at ng kanyang misis.
Naganap ang pananambang kay Amado Serra, Jr, 62 anyos, barangay chairman ng Laguilayan sa Isulan, Sultan Kudarat sa Region 12, nitong hapon ng Lunes, August 19, 2024.
Sa mga inisyal na ulat nitong Martes ng Police Regional Office-12 at ng Sultan Kudarat Provincial Police Office, minamaneho ni Serra ang kanyang kotse patungo sa kung saan ng siya ay paputukan, habang nasa isang bahagi ng kalye sa Purok 7 sa Barangay Laguilayan, ng mga lalaking sakay ng mga motorsiklo na nakabuntot sa kanya.
Patay on the spot si Serra sanhi ng naturang pananambang ng mga armadong motorista na agad namang nakatakas.
Unang napatay sa ambush nitong gabi ng Linggo, August 18, 2024, si Esmael Latip Mustapha, chairman ng Barangay Bulibod sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, sakop ng Bangsamoro region, at ang kanyang misis na si Rahima.
Naglalakad sina Mustapha at ang kanyang kabiyak sa isang kalye sa Barangay Bulibod ng pagbabarilin ng assault rifles ng mga lalaking inaalam pa ng nga imbestigador ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region kung sino upang masampahan ng kaukulang mga kaso. (Aug.20, 2024)