Sweldo ng manggagawang kasambahay sa BARMM, pinag-usapan

Inaprubahan ng Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board (BTWPB) nitong Lunes, August 19, 2024, ang P5,000 na halaga ng pasuweldo sa mga domestic workers, o mga manggagawang kasambahay sa autonomous region.

Sa pahayag ni Minister Muslimin Sema ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, napagkasunduan ng mga kasapi ng BTWPB na ipatupad ang naturang halaga ng standard na pasuweldo sa mga domestic workers sa BARMM, o mga manggagawang mga kasambahay, matapos silang magsagawa ng konsultasyon sa ibat-ibang sectors sa rehiyon.

Nilagdaan nila Minister Sema at mga kasapi ng BTWPB na sina Jonathan Acosta at Norlyn Odin, parehong mga workers’ representatives; Anwar Malang at Haron Bandila na mga employers’ representatives; Bangsamoro Planning Director Mojahirin Ali at ni Regional Trade, Investments and Tourism Minister Abuamri Taddik, parehong mga vice chairpersons ng naturang wages board.

Ayon kay Sema, magsasagawa ng malawakang information campaign hinggil sa naturang bagong wage order ang mga ahensya ng MoLE-BARMM sa anim na mga probinsya at tatlong lungsod ng Bangsamoro region. (August 20, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *