Arestado ang isang Moro front platoon leader at apat na iba pa sa dalawang entrapment operations ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong Sabado na nagresulta sa pagkakumpiska mula sa kanila ng mahigit P1 million na halaga ng shabu.
SA ulat nitong Sabado ng hapon ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, unang nalambat ang apat na drug den operators, pansamantalang nakilala lang na sina Dido, Jojo, Anton at Jerry, nabilhan ng mga PDEA-BARMM agents ng P516,800 na halaga ng shabu sa Barangay Ambadao sa sa bayan ng Datu Piang.
Agad na isinara ng mga magkasanib na PDEA-BARMM agents, mga kasapi ng National Bureau of Investigation, mga pulis at mga sundalong mula sa ibat-ibang unit ng 6th Infantry Division ang drug den ng apat na suspects na dinadayo ng mga residente sa kapaligiran.
Makalipas ang isang oras, isang platoon leader ng Moro Islamic Liberation Front, si Dido Akad Lampay, ang agad na na-detine matapos magbenta ng P510,000 na halaga ng shabu sa mga PDEA-BARMM agents at mga pulis na nagkunwaring mga sugapa sa illegal na droga sa isang entrapment operation sa Barangay Montay sa naturang bayan.
Maliban sa shabu, nakumpiska din mula kay Lampay ang kanyang M60 machinegun at Browning Automatic Rifle na natagpuan sa kanyang hideout kung saan siya nabilhan ng shabu ng mga agents ng PDEA-BARMM at mga operatiba ng Datu Piang Municipal Police Station na pinamumunuan ni Captain Razul Pandulo. (August 17, 2024)