CAVITE, Philippines (Pilipino Star Ngayon, August 17, 2024) — Tatlong pulis na sinibak na sa serbisyo ang inaresto sa Calamba City matapos magpalabas ng warrant of arrest ang korte dahil sa pagkakasangkot sa nakawan sa bahay ng isang Indonesian national sa bayan ng Kawit, dito sa lalawigan kamakailan.
Kapwa nahaharap sa mga kasong Robbery in Band sa ilalim ng Art. 295 of RPC (6 Counts), ang mga dismissed police officers na kinilalang sina Lynard Pastrana Pareja, 32-anyos, ng Dalahican, Cavite City; John Paolo Maigue Mellona, 39, ng Brgy. Marulas, Kawit at Reynaldo Andrada Quilit, 46; residente ng Lavaña Subd. Bacao 2, Gen. Trias City, Cavite.
Batay sa report ng pulisya, bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Emmanuel Ocsing, Presiding Judge, RTC of Branch 120, Imus City, Cavite at sa direktiba na rin ni Regional Director PBrig. Gen Paul Kenneth Lucas, pinuntahan ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division (RID) 4A-RIT Ca¬vite, Laguna at RSOU 4A, RIDMD 4A, 403rd RMFB 4A at Kawit Police ang tatlong dating mga kabaro sa Brgy. Mayapa, Calamba City, Laguna kung saan pansamantala silang nakatigil matapos na matanggal sa serbisyo.
Sa kasalukuyan ay mga nakakulong na ang mga suspek sa Kawit Police.
SOURCE: Pilipino Star Ngayon, August 17, 2024, Cristina Timbang, Ed Amoroso)