Nagkasundo na ang dalawang magkalabang grupo ng Moro Islamic Liberation Front sa Palimbang, Sultan Kudarat na tuldukan na ang kanilang madugong agawan ng teritoryo na labis na nagpahirap sa mga inosenteng residente na naiipit sa kanilang mga engkwentro.
Iniulat nitong Sabado ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, na nagkaisa na ang mga pinuno ng magkalabang grupo, si Esmael Binago at si Abu Abdullah, na wakasan na ang kanilang “rido,” o labanan ng mga angkan, sa pakiusap nila Palimbang Mayor Joenime Badrudin Kapina at ni Brig. Gen. Michael Santos ng 603rd Infantry Brigade sa isang dayalogo nitong Huwebes na dinaluhan ng mga representatibo ng joint MILF-government ceasefire committee.
Sakop ng 603nd Infantry Brigade, pinamumunuan ni Santos, ang Palimbang at ilan pang mga kalapit na bayan sa Sultan Kudarat.
Si Binago ay pinuno ng 13th Biwang Brigade ng MILF habang si Abdullah naman ay isa sa mga commander ng 104th Base Command ng MILF na may peace agreement sa pamahalaan.
Upang ipakita na sila ay tapat sa pakikipagkasundo sa isat-isa, isinuko sa 603rd Infantry Brigade ng mga grupo nila Binago at Abu ang kanilang mga malalakas na armas na kinabibilangan ng 36 assault rifles at bolt-action Barrett sniper rifles, isang 5.56 Ultimax rifle, siyam na B-40 anti-tank rocket launchers at isang 60 millimeter mortar bago nangako sa kanilang mayor at Army officials na hindi na muling maglalaban pa. (August 17, 2024)