Umabot ng 650 na nais maging kasapi ng Armed Forces of the Philippines ang kumuha ng Philippine Military Academy entrance exam nitong nakalipas lang na Sabado at Linggo sa isang testing area sa bayan ng Kabacan sa Cotabato, ayon sa final na ulat ng mga kinauukulan nitong hapon ng Lunes, August 12, 2024.
Kinumpirma ito ng tanggapan ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza at ng mga examiners mula sa Philippine Military Academy na pinangunahan ni Army Captain Jocel May Alicog.
Pinasalamatan ni Alicog ang Kabacan local government, si Gov. Mendoza at ang kanyang staff na si Jessie Francisco Enid, Jr. na siyang umalalay sa ginawang August 10-11 screening at entrance testing ng 650 na mga kabataaan mula sa iba-ibang bayan sa Cotabato at sa kabisera nito, ang Kidapawan City, at mga karatig na probinsya.
Sa mga hiwalay na pahayag nitong Lunes, lubos ang pasalamat nila Major Gen. Antonio Nafarrete ng 6th Infantry Division at ng commander ng Philippine Army na si Lt. Gen. Roy Galido sa gobernadora ng Cotabato sa kanyang suporta sa ginanap na August 10-11, 2024 PMA entrance exams sa Kabacan. Si Nafarrete at Galido ay parehong kabilang sa PMA Class 1990. (August 13, 2024)