2 motorista nasawi, 5 malubha sa aksidente sa Dipolog

Dalawang motorista ang agad na namatay habang limang iba pa ang malubha ng mabangga ng isang pick-up truck ang tatlong kasalubong na motorsiklo sa isang bahagi ng highway sa Dipolog City nitong umaga ng Lunes, August 5, 2024.

Sa inisyal na ulat ng Dipolog City Police Office at ng Police Regional Office-9, magkasunod ang tatlong mga motorsiklo ng masapol ng kasalubong na kulay dark copper na Nissan Navarra pick-up truck mula sa kabilang direksyon ng highway sa Barangay Punta sa naturang lungsod, sakop ng probinsya ng Zamboanga del Norte.

Isa sa dalawang nasawing motorista si Ronel Lansangon habang inaalam pa ng mga imbestigador kung sino ang isa pa dahil walang plaka ang kanyang motorsiklo at wala din siyang dalang kahit anumang identification card.

Agad namang naisugod sa mga hospital ang lima pa na mga sakay ng mga motorsiklong sangkot sa aksidente, sina Christian Alisob, Bitoy Ula, Rodanie Noot, Daniela Tambula at Eliza Mae Dumulog.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng pick-up truck, si Henneth Jay Mondoy Pailaga, nakatakda ng sasampahan ng kaukulang kaso. (August 5, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *