UPDATE: Vice mayor, body guard patay sa ambush sa South Upi, Maguindanao del Sur

Agad na namatay ang etnikong Teduray na vice mayor ng South Upi, Maguindanao del Sur at ang kanyang body guard sa isang ambush sa naturang bayan nitong hapon ng Biyernes, August 2, 2024.

Sa ulat nitong gabi ng Biyernes ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office kay Brig. Gen. Prexy Tanggawhon, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sakay ng isang pick-up truck sina Vice Mayor Roldan Benito at Weng Marcos ng paputukan ng assault rifles ng mga lalaking naka-puwesto sa gilid ng kalye sa Sitio Linao sa Barangay Pandan, South Upi.

Sugatan sanhi ng naturang pananambang ang kabiyak ni Benito na si Analyn at ang kanilang menor-de-edad na anak, ngayon ginagamot na sa isang hospital.

Agad na kinundena ni Mayor Reynalbert Insular ang insidente na kanyang binansagang isang karumaldumal na krimen, at nanawagan sa pulisya at militar na magtulungan sa pagkilala sa mga salarin upang masampahan ng kaukulang mga kaso.

Mismong si Insular, chairman ng South Upi Municipal Peace and Order Council, ay dalawang beses ng nakaligtas sa tangkang pagpatay sa kanya nitong nakalipas na dalawang taon, una sa isang ambush sa isang bahagi ng Cotabato-Upi Highway, pangalawa sa isang roadside bombing hindi kalayuan sa poblacion ng South Upi. (August 2, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *