Motorsiklong ninakaw sa Davao del Sur, nabawi sa Maguindanao del Sur

Nabawi ng mga kasapi ng General Salipada K. Pendatun Municipal Police Station nitong Lunes, July 29, 2024, ang isang motorsiklong Yamaha NMAX 155 sa isang operasyon batay sa ulat ng may-ari na nalaman ang kinaroroonan nito sa pamamagitan ng global positioning system device na nakabit dito.

Nasabat ang naturang motorsiklo sa isang lugar sa Gen. Salipada K. Pendatun sa Maguindanao del Sur, ayon sa ulat ng tanggapan ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Prexy D. Tanggawohn.

Naaresto din ang may dala ng motorsiklong ninakaw sa Purok 8 sa Barangay Poblacion sa Sulop sa probinsya ng Davao del Sur.

Napagsabihan na ang may-ari ng motorsiklong nabawi na residente ng Sulop sa malayong Davao del Sur, na nasa kustodiya na ito ng General Salipada K. Pendatun police. (July 31, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *