Suportado ni Senate President Chiz Escudero ang napipintong pagsagawa ng pinaka-unang Bangsamoro parliamentary elections sa susunod na taon.
Ito ay kanyang ipinahayag sa kanilang dayalogo nitong Martes, July 23, 2024, ng mga namumuno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Grand Coalition, o BGC, sa kanyang tanggapan sa Senate mismo kung saan kanilang napag-usapan ang mga peace and development issues sa BARMM at ang nakatakdang 2025 first regional parliamentary elections sa anim na probinsya at tatlong lungsod na sakop nito.
Ang BGC ay pinamumunuan nila Sulu Gov. Hadji Abdusakur Tan, Sr., nila Gov. Mariam Sangki Mangudadatu at kabiyak na si dating Sultan Kudarat Gov. Suharto Mangudadatu na kaka-resign lang bilang executive director ng Technical Education and Skills Development Authority, Basilan Congressman Mujiv Hataman, Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr., Lanao del Sur Vice Gov. Mohammad Khalid Rakiin Adiong, at ilang pang mga elected officials sa autonomous region.
Ipinaliwanag sa mga BGC officials ni Senate President Escudero sa kanilang meeting mismo sa kanyang tanggapan na nararapat lang na matuloy na ang first ever BARMM parliamentary elections sa 2025 upang ang magpapalakad ng regional government ay mga elected officials na may sapat na mandato sa mga botante sa rehiyon.
Ayon kay Escudero ang mga botante sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at sa mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato City ang siyang dapat na pumili ng kanilang mga nais na iluklok sa kanilang regional parliament na may 80 na kasapi.
Kasama sa mga taga BGC na nag courtesy visit kay Senate President Chiz Escudero sina Congressman Hataman, Lanao del Sur 1st District Congressman Zia Alonto Adiong, Gov. Mangudadatu at kabiyak na si dating TESDA Executive Director Mangudadatu, Gov. Tan, Gov. Adiong at sina Lanao del Sur Mayor’s League President Dimnatang Pansar na siyang mayor ng bayan ng Butig sa naturang probinsya, at si Lanao del Sur 2nd District Congressman Yasser Alonto Balindong.
Sina Lanao del Sur Gov. Adiong at Lanao del Sur Vice Gov. Adiong ay mga opisyal ng popular na Serbisyong Inklusibo, Alyansang Progresibo (SIAP) regional political party na kaalyado ng BGC, rehistrado na sa Commission on Elections at may mahigit 300,000 na na mga lantad na mga miyembro at supporters sa anim na probinsya at tatlong lungsod sa Bangsamoro region. (July 25, 2024)