Patay ang isang magsasaka at kanyang anak habang malubha ang tatlo pa nilang kapamilya ng masapol ang kanilang tricycle ng napakabilis na pampasaherong van sa isang bahagi ng national highway sa Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur nitong Lunes.
Sa ulat nitong Martes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan si Mustapha Dalandan, 25 anyos, at ang anim-na-taong gulang niyang anak na lalaki na si Moharis sanhi ng naturang aksidente.
Minamaneho ni Dalandan ang kanilang tricycle sakay ang kanyang pamilya at papaliko na sana sila sa kaliwang bahagi ng highway ng masapol ng kasalubong na rumaragasang pampasaherong van.
Nagtamo ng malubhang mga sugat at nabalian ng mga buto ang kabiyak ng nasawing si Dalandan na si Baimen, 24-anyos, at kanilang mga anak na babae na sina Sittie, walong-taong-gulang, at ang apat-na-taong gulang na si Haipa.
Ayon kay Lt. Salonga Langguyuan, hepe ng Datu Anggal Municipal Police Station, agad namang sumuko ang driver ng van na nakabundol sa tricycle ng pamilyang Dalandan, si Khadafie Guiamaludin, sa mga pulis na nagresponde sa insidente.
Makikita ang larawang mula sa isang security camera recording bago nasapol ng van ang tricycle na sakay ang buong pamilya Dalandan. (July 23, 2024)