UBJP party ng MILF sasabak na sa 2025 halalan

Lalahok ang Moro Islamic Liberation Front sa kaunaunahang parliamentary elections sa autonomous region sa 2025 upang maipagpatuloy ang mga programang nagsusulong ng Mindanao peace process na posible diumanong mapapabayaan kung mga traditional politicians ang siyang mailuklok sa puwesto.

Sa hiwalay na pahayag nitong Sabado, July 20, 2024, ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim at ni Regional Speaker Ali Pangalian Balindong, handa na ang United Bangsamoro Justice Party ng MILF para sa parliamentary elections sa autonomous region sa susunod na taon na lalahukan din ng mga traditional politicians na may mga grupo ng tatapatan ang mga kandidato ng UBJP ng MILF.

Ayon kay Balindong, kanilang naipaliwag sa libo-libong mga kasapi ng UBJP, mula sa ibat-ibang lugar sa Lanao del Sur, sa isang pagtitipon nitong Miyerkules sa bayan ng Malabang sa naturang probinsya, na isa sa layunin ng kanilang partido, pinamumunuan ni Ebrahim na siyang chairman ng MILF central committee, ang maipagpatuloy ang mga programa nilang kaugnay ng Mindanao peace process.

Ayon kay Balindong, masasayang ang mga magagandang bunga ng peace agreement ng Malacañang at MILF kung ang regional parliament ay napasailalim sa kontrol ng mga traditional politicians.

Ipinaliwanag ni Ebrahim sa mga reporters nitong Sabado na tanging ang Mindanao peace process lang ng Malacañang at ng MILF ang siyang solusyon sa ilang dekada ng “Moro issue” sa Mindanao na siyang ring dahilan kaya nagkaroon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na itinatag noong 2019 batay 2014 government-MILF peace agreement. (JULY 21, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *