COTABATO CITY (July 23, 2026) — Malaking bilang ng mga child learners sa isang Madrasah at mga senior citizens sa Barangay Pura sa Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao del Norte ang tumanggap ng school supplies at relief goods mula sa mga municipal at provincial officials sa isang humanitarian activity nitong Martes, July 21.
Ang Datu Blah Sinsuat ay nakatakda ng papangalanang West Upi municipality batay sa isang enabling measure na nakasalang sa 80-member parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Isa si Bai Shajida Mastura, chief of staff ng Maguindanao del Norte governor’s office, sa namahala ng naturang public service mission. Isa siya sa mga nagdala ng mga supplies na ipinamahagi sa mga batang mag-aaral at senior citizens sa Barangay Pura.
Nagtulungan ang tanggapan ni Mayor Raida Tomawis Sinsuat at sina Maguindanao del Norte Gov. Tucao Mastura at Vice Gov. Marshall Sinsuat sa naturang outreach mission para sa mga batang mag-aaral sa isang Madrasah, o Islamic school, sa Barangay Pura at mga residente nitong mga senior citizens.
Nagpaabot din ng cash assistance si Mayor Sinsuat sa mga senior citizens na mga benepisyaryo ng naturang outreach activity.
Masaya ang mga magulang ng mga batang mag-aaral sa naturang Madrasah sa pagkakatanggap nila ng school supplies mula sa tatlong local executives na nagtutulungan sa mga peace and development initiatives na naglalayong maging maunlad ang kanilang bayan, kilalang fishing capital ng Maguindanao del Norte at tinataguriang “most peaceful municipality” sa probinsya.
Nagpasalamat din sa kanilang tinanggap na relief supplies ang mga senior citizens na nakabenepisyo sa naturang public service mission nila Mayor Sinsuat, Gov. Mastura at Vice Gov. Sinsuat.

