SAF commando na nasawi sa engkwentro sa mga tulisan, bibigyan ng parangal

Bibigyan ng kaukulang parangal at ayuda para sa kanyang pamilya ng pamumunuan ng Police Regional Office-12 at ng national headquarters ng Philippine National Police ang isang miyembro ng Special Action Force na nasawi sa engkwentro sa mga tulisan sa Barangay New Panay sa Aleosan sa probinsya ng Cotabato sa Region 12.Ang nasawing SAF commando, si Police Corporal Jed Michael Gregorio, ay kasama sa magkasanib na mga operatiba ng SAF unit na nasa operational control ng PRO-12, mga operatiba ng Aleosan Municipal Police Station at ng Cotabato Provincial Police Office na naatasang mag-search ng mga baril at shabu sa hideout ng tulisan na si Macabuat Salik sa Purok 7 sa Barangay New Panay.Nauwi sa engkwentro ang naturang dapat sana ay mapayapang search operation batay sa isang warrant na mula sa isang korte ng pumalag ang bandidong si Macabuat at apat na mga kasama. Silang lima ay napatay ng mga pulis sa naturang engkwentro.Tatlong mga SAF commandos ang sugatan sa insidente, ginagamot na sa isang hospital.Nasamsam ng mga pulis ang mga assault rifles ng mga napatay na mga tulisan, mga pampasabog at shabu.Ayon sa mga opisyal ng Cotabato provincial police force at kay Brig. Gen. Placer, inaalam na ng mga police intelligence agents ang ulat ng mga residente ng Aleosan na konektado ang napatay na si Macabuat sa mga grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. (JULY 11, 2024)