Bagama’t nasawata na ang March-April 2024 measles outbreak sa Bangsamoro region na naka-apekto ng halos 700 na mga bata, nagpapatuloy pa rin ang vaccination campaign ng regional government upang hindi na ito muling maulit.
Ito ang pahayag nitong Martes in Bangsamoro Health Minister Kadil Monera Sinolinding, Jr. sa isang dalawang oras na forum dito sa lungsod, inorganisa ng Philippine Information Agency-12 at dinaluhan ng halos 50 na mga reporters.
Ayon kay Sinolinding, malakas ang suporta ng mga local government units sa anti-measles vaccination program ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na sakop ang mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at ang mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato.
Iniulat din ni Sinolinding, sa kanilang talakayan ni Shahana Duerme Joy Mangasar, PIA-12 Cotabato province information center manager, na naibigay na rin nila sa daan-daang mga health workers sa BARMM, nitong nakalipas na mga linggo, ang kanilang Health Emergency Allowance, o insentibo para sa kanilang masigasig na pagsugpo ng pagkalat ng Covid-19 infection sa mga bayan na sakop ng autonomous region noong kasagsagan ng pandemya na tumagal ng mahigit dalawang taon.
Ayon kay Sinolinding, galing sa national government ang pondong inilaan para sa HEA ng mga health workers sa autonomous region. (July 2, 2024)