8 terorista sa Maguindanao del Sur, sumuko sa militar

Karagdagang walo pa na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, bihasa sa paggawa ng mga bomba, ang sumuko at nanumpa ng katapatan sa pamahalaan bilang tugon sa pakiusap ng militar at mga local executives sa Maguindanao del Sur.

Iniulat nitong Sabado, August 10, 2024, ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, ang pagsuko ng walong mga miyembro ng BIFF sa 33rd Infantry Battalion nitong Huwebes sa isang simpleng seremonya sa Barangay Zapakan sa Radjah Buayan sa Maguindanao del Sur.

Unang pina-kustodiya ng walong mga terorista sa 33rd IB ang kanilang mga armas, kinabibilangan ng isang .45 caliber pistol, tatlong revolver, isang 40 millimeter grenade launcher, isang M1 Garand rifle, isang .30 caliber Carbine rifle, isang 5.56 light machinegun at mga gamit sa paggawa ng mga improvised explosive devices bago sila nangakong magbabagong buhay na sa harap ng mga kinatawan ni Maguindanao del Sur Gov. Mariam Mangudadatu.

Abot na sa 737 na mga miyembro ng BIFF at kaalyado nitong Dawlah Islamiya ang sumuko sa mga units ng 6th Infantry Division sa Central Mindanao mula 2019, pumayag na bumalik na sa kani-kanilang mga pamilya at mamuhay ng tahimik sa magkatuwang na pakiusap ng mga commanders ng ibat-ibang Army battalions sa rehiyon at mga local officials. (August 10, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *