7 CIDG agents sa Sultan Kudarat, pinaaresto ng korte

Inaresto nitong Linggo ng mga operatiba ng Sultan Kudarat Provincial Police Office ang pitong mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group na nakadestino sa probinsya na may kinakaharap na kasong illegal possession of firearms and explosives.

Sa mga ulat ng mga himpilan ng radyo sa mga lungsod sa Central Mindanao nitong Linggo, mismong si Col. Bernardo Lao, Sultan Kudarat provincial police director, ang nagkumpirma na nasa kustodiya na nila ang mga kasapi ng CIDG na sina Staff Sgt. Mark Lester Cabangan at ang mga patrolman na sina Dagie Peligro, Rex Borlagdatan, Joevin Aven, Arjoe Gamino, Joven Pasaylo at Raymark Ortega.

May dalawa pang mga CIDG officials, isang captain at isang major, ang na nakatakda ng arestuhin ng mga tauhan ni Lao kaugnay ng kanilang kasong kinakaharap sa Regional Trial Court Branch 19 sa Tacurong City sa Sultan Kudarat.

Ayon kay Lao, ang naturang kaso ay kaugnay ng isang CIDG operation sa Sultan Kudarat ilang buwan na ang nakakalipas. Tumanggi siyang magbigay pa ng karagdagang detalye tungkol sa naturang kaso.

Ayon kay Lao, ang isa sa mga CIDG officials na kabilang sa mga nakalista sa warrant of arrest mula sa RTC Branch 19 sa Tacurong City ay nagpaabot na sa kanya ng kahandaang sumuko ng boluntaryo upang harapin ang naturang kaso. (October 13, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *