Anim na mga kalalakihang Yakan ang sugatan ng tambangan ng kalabang grupo sa Sitio Lessem sa Barangay Bato-Bato sa Akbar, Basilan nitong umaga ng Sabado.
Sa mga hiwalay na ulat ng Akbar Municipal Police Station at ng Basilan Provincial Police Office, naglalakad sina Ryan Latip, Abubakar Latip, Jemar Kalang, Husin Kalang, Ajim Jamaluddin at Nasser Algafar patungo sa isang lugar ng pagbabarilin ng mga kalalakihang armado ng M16 assault rifles na nakaabang sa gilid ng daan sa isang lugar sa Sitio Lessem.
Bagama’t mga sugatan na, nakaganti ng putok ang mga biktima kaya mabilis na tumakas ang mga namaril sa kanila, pinamumunuan diumano ng mga kapwa mga Yakan na sina Jemar and Kidyok.
Sa inisyal na ulat ng Basilan PPO sa tanggapan dito ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, galit ang grupo nila Jemar at Kidyok sa mga biktima ng ambush dahil sa pagdukot nila diumano sa isa nilang kamag-anak, si Jimmy Nani, na hindi pa natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.
Napatay ng mga armado nito lang Martes ang isang kamag-anak ng anim na mga biktima ng ambush, si Nurjan Latip, at duda ang mga residente ng Akbar na ang insidente ay may kinalaman sa pagdukot at pagkawala ni Nani na ibinibintang sa kanila. (May 4, 2024)