4 na nasawi sa Davao City accident, naiuwi na sa Maguindanao del Norte

Naiuwi na sa Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang mga labi ng apat na magkakamag-anak na nasawi sa matinding highway accident sa Binugao sa Toril District sa Davao City nitong umaga ng Sabado, January 4, 2025.

Sa ulat ng Davao City Police Office, sakay ng isang air-conditioned van ang magkabiyak na sina Remie Centena at Edna Centena at ang kanilang mga kasamang sina Joy Lastimoso at Sherlyn Altimo, pauwi na sa Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat mula sa Davao City ng maganap ang aksidente.

Nasapol ang gilid ng kanilang sinasakyang van, minamaneho ni Omar Lastimoso, ng isa pang van mula sa kabilang direksyon ng highway na dahil sa sobrang bilis ay lumihis kaya nagkabanggaan na nagsanhi din ng pagkaka-hospital ng lima pang mga kasama ng mga nasawing mag-asawang Centena at sina Lastimoso at Altimo.

Agad namang naiuwi sa Barangay Tamontaka ng mga kawani ng Datu Odin Sinsuat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, pinamumunuan ni Mayor Lester Sinsuat, ng mga labi ng magkabiyak na Centeno at nila Lastimoso at Altimo. Nangako din ang mayor ng ayuda para sa mga pamilya ng mga namatay sa aksidente.

Nasa kustodiya na ng Davao City police ang driver ng van ng nakabangga sa sasakyan ng mga biktima, si Khadafy Landasan Salik, residente na taga Kabacan, isa sa mga bayan sa probinsya ng Cotabato. (January 5, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *