4 na mga hospital itatag ng Bangsamoro government

Aprobado na sa pangatlo at huling deliberasyon ng Bangsamoro parliament ang panukalang pagtatag ng apat na mga bagong hospital sa tatlong probinsya sa autonomous region.

Sa pahayag nitong Sabado ni physician-ophthalmologist Kadil Monera Sinolinding, Jr., health minister ng Bangsamoro region at kasapi din ng regional parliament, kanyang ipinaliwanag na P50 million ang alokasyon ng regional government para sa bawat isa sa apat na hospital na itatayo nito sa 2025.

Ang panukalang pagtatayo ng apat na mga pagamutan, ang South Ubian General Hospital sa Tawi-Tawi, ang Aleem Abdulazis Memorial Hospital sa Lanao del Sur, at dalawa pa sa Maguindanao del Norte — ang Northern Kabuntalan General Hospital at ang Datu Blah Sinsuat General Hospital — ay inaprubahan ng parlyamento sa isang session nitong Huwebes, December 12, 2024.

Pinasalamatan ni Sinolinding ang mga kasama sa parlyamento, pinamumunuan ni Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim, sa kanilang pagsuporta sa panukala na ayon sa kanya ay malaking bagay para sa pagpapalawig ng health services sa tatlong probinsya. (DECEMBER 14, 2024) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *