3 NPA ‘tax collectors’ sumuko

Tatlong kasapi ng New People’s Army na kabilang sa grupong sapilitang nangingikil ng “revolutionary tax” sa mga mahihirap na magsasaka ang sumuko sa isang military unit sa Lebak, Sultan Kudarat nitong Biyernes.

Sa pahayag nitong Martes ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division at acting chief ng Western Mindanao Command, ang tatlong NPA members, sina Sitong Kandason at ang kanyang kabiyak na si Mahay Asil Kandason at kanilang kasamang si Sayno Samson Canaway ay aalalayan ng 37th Infantry Battalion at ng 603rd Infantry Brigade sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga barangay upang mamuhay na ng tahimik.

Sumuko ang tatlo, na sakop na Executive Committee ng South Region Command ng NPA, sa pakiusap ni Lt. Col. Christopher Capuyan, commanding officer ng 37th Infantry Battalion, at ni Brig. Gen. Michael Santos na siyang namumuno ng 603rd Infantry Brigade.

Ayon sa mga local officials, ang mag-asawang Kandason at kasama nilang si Canaway ay kabilang sa isang grupo ng NPA na pwersahang nangingikil ng pera at pagkain sa mga magsasaka sa mg liblib na pook sa Sultan Kudarat at South Cotabato at nangongolekta din ng “protection money” sa mga negosyante sa naturang dalawang probinsya.

Nanumpa ng katapatan sa pamahalaan ang tatlo sa isang simpleng surrender ceremony sa headquarters ng 37th IB sa Barangay Tibpuan sa Lebak na sinaksihan ni Mayor Joaquin Concha ng Kalamansig, Sultan Kudarat na namigay sa kanila ng inisyal na ayuda na kanilang magagamit sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga lugar sa mga bulubunduking hangganan ng Kalamansig at Lebak. (DEC. 3, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *