Tatlong empleyado ng municipal government ng T’boli sa probinya ng South Cotabato ang malubhang nasugatan ng paputukan ng mga kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit sa akalang mga miyembro sila ng New People’s Army nitong gabi ng Huwebes, April 9.
Naganap ang madugong insidente habang nagsasagawa ng checkpoint operation ang ilang mga CAFGU members sa Sitio Spring sa Barangay Poblacion sa T’boli, isang upland municipality sa South Cotabato na sakop ng Region 12.
Mismong local executives at mga kawani ng T’boli Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang nagkumpirma nitong Biyernes ng pagkasugat sa naturang insidente nila Delfin Tan Forod, Arlene Sawan Lambong at Rafael Zunio Francisco.
Masuwerteng nakaligtas sa naturang pamamaril kanilang kasamang isang kagawad ng isang barangay sa T’boli na si Alvin Tuan Sacay.
Ayon sa mga local executives at mga imbestigador mula sa T’boli Municipal Police Station, agad na pinaputukan ng combat rifles ng mga CAFGU members sa checkpoint sa Sitio Spring sa Barangay Poblacion ang four-wheel drive na utility task vehicle, o UTV, na sinasakyan ng mga biktima dahil sa hindi nito paghinto sa kabila ng kanilang presensya sa gilid ng highway.
Kinumpirma ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang insidente at nilinaw na “miscommunication” ang siyang nagsanhi nito.
Unang may napatay noong umaga ng Huwebes, sa Barangay Laconon sa T’boli ang mga tropa ng 603rd Infantry Brigade na dalawang mga ranking officials ng NPA, sina Anthony Narvasa, secretary ng Far South Mindanao Region sa Central Mindanao ng naturang teroristang grupo, at ang kanyang assistant na si Rosa Kian.
May isa pang NPA na naiulat na nasugatan sa naturang encounter na nagpatulong diumano sa mga T’boli tribal leaders at mga barangay officials na samahan siya sa 603rd Infantry Brigade upang sumuko at maipagamot.
Ayon sa 6th ID, may tensyon sa T’boli sanhi ng madugong encounter sa Barangay Laconon at nasa full alert hanggang gabi ng Huwebes ang mga sundalo at mga kasapi ng CAFGU sa lahat ng lugar sa naturang bayan.
Sa ulat nitong Sabado ni Major Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th ID, nagsasagawa na sila ng masusing imbestigasyon sa insidenteng nagresulta sa pagkasugat ng tatlong mga kawani ng T’boli local government unit.
May hiwalay na imbestigasyon din na ginagawa, kaugnay ng naturang kaganapan, ang mga units ng Police Regional Office 12 sa pamumuno ni Brig. Gen. Arnold Ardiente na siyang regional director nito. (APRIL 11, 2026)

