
Sa kulungan ang bagsak ng tatlong drug den operators, isa sa kanila security guard, na nalambat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Barangay Western Wao sa Wao, Lanao del Sur nitong Lunes.
Kinumpirma nitong Huwebes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na nasa kustodiya na nila sina Saadudin Mitmug Bagul na isang security guard at mga kasabwat ba sina John Mark Villasista Tolentino at Jayson Belong Valeria, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hindi na pumalag ang tatlo ng arestuhin ng mga hindi unipormadong PDEA-BARMM agents at mga pulis mula sa ibat-ibang units ng Lanao del Sur Provincial Police Office na kanilang nabentahan ng P68,000 na halaga ng shabu mismo sa kanilang drug den sa Purok 5 sa Barangay Western Wao.
Ayon kay Castro, naisagawa ang naturang operasyon sa tulong ng tanggapan ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. at mga municipal officials ng Wao na alam ang mga illegal na gawain nila Bagul, Tolentino at Valeria. (Nov. 13, 2024)