Tatlong mga officials ng Bangsamoro government ang nadagdag sa Regional Advisory Group for Police Transformation Development (RAGPTD) nitong Martes, April 7.
Ang tatlong officials ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang mga abogadong sina Al-Rashid Balt, director-general ng Ministry of Public Order and Safety, at Abdul Rashid Kalim, chairperson ng Bangsamoro Human Rights Commission (HR sector), at ang physician-ophthalmologist na si Kadil Sinolinding, Jr. na kasalukuyang BARMM health minister, ay nanumpa bilang mga bagong RAGPTD members sa meeting ng grupo sa Al-Nor Complex sa Cotabato City nitong Martes.
Tampok sa naturang meeting ng RAGPTD-BARMM, magkatuwang na pinangunahan ng abogadong advisory group president na si Ronald Hallid Dimacisil Torres at ng director ng PRO-BAR, si Police Brig. Jaysen De Guzman, ang panunumpa sa katungkulan nila Balt, Kalim at Sinolinding bilang mga bagong miyembro ng naturang multi-sector na grupo.
Hiwalay na tiniyak nila Balt, Kalim at ni Sinolinding na nagsisilbi din bilang miyembro ng regional parliament, na kanilang lubos na susuportahan ng mga programs at activities ng RAGPTD-BARMM na nagsusulong ng professionalism, community services at mga humanitarian missions ng Philippine National Police sa limang probinsya at tatlong lungsod sa BARMM.
Ang RAGPTD-BARMM ay may mga miyembro din na mula sa ibat-ibang sectors, kabilang ang academe, media, o Fourth Estate, Muslim at Christian religious communities, business sector at iba pang mga ahensya ng Bangsamoro government.
Makikita sa larawan ang tatlong mga Bangsamoro government officials na nanumpa bilang mga bagong miyembro ng RAGPTD-BARMM sa presensya ng mga kinatawan ng PRO-BAR at ng advisory group president na si Torres na siyang chairman ng Bangsamoro Business Council na may mga kasapi sa limang probinsya at tatlong lungsod sa autonomous region. (April 8, 2026)

