3 babaeng sakay ng isang motorsiklo, patay sa aksidente

Patay ang dalawang college teachers at isang estudyanteng sakay ng isang motorsiklo na lumihis at nakabangga ng kasalubong na pick-up truck sa isang bahagi highway sa Barangay Crossing Rubber sa Tupi, South Cotabato nitong gabi ng Biyernes, October 25, 2024.

Sa ulat nitong Sabado ng South Cotabato Provincial Police Office, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang mga biktima ng aksidente na sina Rezile De Padua at Glykiel Jade Bico, parehong college teachers, at ang criminology student na si Jonaira Ambaco, lahat mga babae.

Si De Padua at Bico ay mga guro ng Southeast Asian Institute of Technology sa Tupi, hindi kalayuan sa Koronadal City na siyang kabisera ng South Cotabato.

Sakay ng isang motorsiklo sina De Padua, Bico at Ambaco, patungo sana sa isang lugar sa Tupi mula sa kanilang school campus, ng sila ay lumihis, nagawi sa kaliwang bahagi ng highway at nakasalubong ang Toyota Hilux pick-up truck na mabilis ang takbo.

Kinumpirma nitong Sabado ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, na nasa kustodiya na ng Tupi Municipal Police Station si Anthony Teloren, ang driver ng sasakyang binangga ng motorsiklo ng tatlong mga babaeng nasawi, na boluntaryong sumuko sa mga pulis na nagresponde sa insidente. (October 26, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *