29 baril, isinuko sa Palimbang, Sultan Kudarat

Karagdagang 29 pa na mga baril and ipina-kustodiya nitong Lunes, December 23, ng mga residente ng Palimbang, Sultan Kudarat sa militar bilang tugon sa disarmament program ng 6th Infantry Division kaugnay ng Mindanao peace process ng Malacañang.

Iniulat nitong Martes ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, na kusang loob na isinuko ng mga may-ari ang naturang mga baril sa pakiusap ng mga opisyal ng 603rd Infantry Brigade at ng 37th Infantry Battalion at ni Palimbang Mayor Joenime Kapina.

Sila ang katuwang ng 6th ID sa pagpapatupad sa Palimbang ng Small Arms and Light Weapons Program, o SALW Program, ng 6th ID at ni Secretary Carlito Galvez, Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace, reconciliation and Unity.

Isinagawa ang pagsuko ng 29 na mga armas, kinabibilangan ng assault rifles, bolt-action sniper rifles at mga grenade launchers sa tanggapan ni Kapina, dinaluhan ng mga opisyal ng police units na sakop ng Police Regional Office-12 at ng Philippine Coast Guard at nila Lt. Col. Christopherson Capuyan ng 37th IB at ng commander ng 603rd Infantry Brigade, si Brig. Gen. Michael Santos.

Una ng nakakolekta nitong nakalipas na tatlong buwan ng mahigit 100 na mga combat weapons ang mga Army battalions na sakop ng 603rd Infantry Brigade na naka-destino sa mga bayan sa Maguindanao del Norte at Sultan Kudarat, boluntaryong isinuko ng mga may-ari bilang suporta sa SALW Program. (December 24, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *