KORONADAL CITY, South Cotabato (September 13, 2026) — Apat na kababaihan na naging mga guro sa pamamagitan ng scholarship, handog ng isang private company, ang nagbalik sa kanilang liblib na bayan upang magturo sa mga batang mula sa mahirap na mga pamilya, sa halip na magtrabaho sa mas maunlad na mga lugar kung saan magiging mas maginhawa sana ang kanilang buhay.
Sina Angelee Tediong, Renalis Amisola-Ingaslo, Judy Ann Yatan at Florence Florito, na nagtapos ng kursong pang-edukasyon sa kolehiyo bilang mga scholars ng Sagittarius Mines Incorporated, o SMI, ay ngayon mga guro na sa Danlag Elementary School sa upland Tampakan municipality sa South Cotabato.
Ang mga mag-aaral ng naturang paaralan, matatagpuan sa isang bahagi ng halos hindi pa ganap na maunlad na Barangay Danlag sa Tampakan, ay mula sa mga hikahos na Blaan at non-Blaan settlers communities sa naturang bayan.
Hiwa-hiwalay na nagpasalamat nitong Sabado, September 12, ang mga traditional community leaders at mga local executives sa Tampakan sa apat na guro dahil tinanggihan nila ang mga alok na teaching assignments sa mga maunlad na bayan sa South Cotabato at sa kabisera nitong Koronadal City.
Para sa mga Blaan tribal leaders at mga municipal at barangay officials, isang pambihirang ehemplo ito ng pagmamahal ng apat na guro sa Tampakan, teritoryo ng mga Blaan.
Batay sa mga ulat ng mga radio stations sa Central Mindanao nitong Sabado, sinabi ng mga local officials sa rehiyon na pambihira ang halimbawa ng apat na guro. Hindi kayang tustusan ng kanilang mga magulang ang gastos sa kanilang pag-aaral sa kolehiyo sa mga paaralang malayo sa Tampakan kaya natapos nila ang kanilang mga kursong pang-edukasyon bilang mga SMI scholars.
Sinabi ni Florito na may adhikain silang tatlong kasama niyang guro—sina Tediong, Ingaslo at Yatan—na tulungan, bilang school teachers, ang mga bata sa Barangay Danlag na maging mga professionals din, bilang suporta sa mga pagsisikap ng mga municipal officials at Blaan tribal leaders na mapalaganap ang socio-economic development sa lahat ng mga barangay sa Tampakan.
Sinabi ni Florito na nagpapasalamat silang apat sa SMI, may mga community service programs sa Tampakan at iba pang lugar sa South Cotabato, dahil sinuportahan nito ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng scholarship program nito.
Ang SMI ay may ekstensibong Social Development and Management Program na ipinapatupad sa Tampakan, sa Columbio, Sultan Kudarat, sa Malungon, Sarangani, at sa Kiblawan, Davao Del Sur.
“Upang maipakita ang aming pasasalamat at bilang isang espesyal na misyong paglilingkod, bumalik kami sa aming bayan upang turuan ang mga batang nais din naming makatapos ng high school at kolehiyo,” ani Florito.
Ang college scholarship program ng SMI ay nakapag-pa-graduate na ng 1,002 na college students, mga professionals — ibat-ibang kurso — mula nang ito ay simulan mahigit isang dekada na ang nakalipas.
Pinuri rin nitong Sabado ng dalawang gobernador sa Region 12—si Reynaldo Tamayo Jr. ng South Cotabato at si Emmylou Taliño-Mendoza ng Cotabato—ang mga teachers na sina Florito, Tediong, Ingaslo at Yatan.
Ayon kay Tamayo, na siyang chairman ng Regional Peace and Order Council 12, nagpapasalamat siya sa SMI sa patuloy nitong mga humanitarian projects, kabilang ang mga proyektong para sa kalusugan, livelihood, o pangkabuhayan at social welfare services, sa Tampakan at mga karatig-bayan, bilang bahagi ng corporate social responsibility nito.
Ipinaliwanag ni Yatan na para sa kanya at sa kanyang mga kasamang guro na sina Florito, Tediong at Ingaslo, isang obligasyon, bilang mga gurong naging scholars ng SMI, na bumalik sila Tampakan at maglingkod bilang teachers ng mga mag-aaral na ang mga magulang ay sapat lamang ang kinikita para sa kanilang araw-araw na pangangailangan mula sa pagsasaka, bilang mga farm laborers, construction workers, drayber ng traysikel, at sa pagtitinda ng mga prutas at gulay sa mga public markets.
Makikita sa larawan ang guro na si Yatan at kanyang mga pupils na mula sa mga mahirap na pamilyang nakatira sa iba’t-ibang sitio sa Barangay Danlag sa Tampakan. []

