Dalawang taga probinsya ng Maguindanao del Norte — sina Abdultalib Hadji Basir at Halid Salilaguia — ang namatay sanhi ng aksidenteng pagkakakuryente nitong Huwebes ng gabi, May 2, 2024.
Naganap ang naturang insidente sa liblib na Sitio Badak sa Barangay Kuden sa Talitay, Maguindanao del Norte, ayon sa mga ulat nitong Biyernes ng lokal na pulisya at ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya at ng mga emergency responders ng Talitay municipal government, isang nalagot na kawad ng kuryenteng mula sa poste ng Maguindanao Electric Cooperative na konektado sa isang bahay ang nasagi ng naglalakad na si Salilaguia na nagsanhi ng kanyang pagkakuryente.
Nagtangka si Basir at isang kapitbahay, si Utto Badruddin, na tulungang ilayo sana si Salilaguia mula sa kawad ng kuryenteng kanyang natapakan, ngunit sila man ay nakuryente din.
Hindi na umabot ng buhay sina Basir at Salilaguia sa pagamutan kung saan sila isinugod upang malapatan sana ng lunas.
Ayon sa Talitay local government unit at sa mga kasapi ng municipal police force, nasa ligtas ng kalagayan ang nakuryenteng si Badruddin, nilalapatan na ng lunas sa isang hospital. (May 3, 2024, Contributed Report)