
Sugatan ang dalawang sundalo sa isang medical outreach team ng 45th Infantry Battalion ng tambangan ng armadong grupo sa Barangay Magcawa sa Al Barka, Basilan nitong umaga ng Martes, November 19, 2024.
Kinumpirma bandang tanghali ng Martes ni Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade, ang insidente na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang kasapi ng 45th IB.
Ang dalawang sundalong sugatan sa naturang ambush ay kabilang sa grupong pauwi na sana sa kanilang kampo mula sa isang medical outreach mission sa isang lugar sa Al Barka ng sila ay paputukan ng mga armadong kalalakihan na naka puwesto sa gilid ng highway sa Barangay Magcawa.
Ayon kay Luzon nasa ligtas na kalagayan ang dalawang sundalong nasugatan sa insidente na maagap namang naisugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas.
Ayon kay Basilan Gov. Hadjiman Salliman, chairman ng provincial peace and order council, inatasan na niya ang municipal officials sa Al Barka at ang Basilan Provincial Police Office na magtulungan sa pagkilala sa mga responsable sa ambush upang masampahan mga kaukulang mga kaso sa korte. (Nov. 19, 2024)