MANILA, Philippines (Pilipino Star Ngayon, August 18, 2024) — Dalawang mataas na lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Panay Island ang napatay sa engkuwentro sa tropa ng militar sa lalawigan ng Iloilo, ayon sa opisyal ng militar nitong Sabado.
Sa report sinabi ni Lt. Col. Israel Galorio, chief ng Public Affairs Office (PAO) ng AFP-Visayas Command, ang dalawang pangunahing lider ng CPP-NPA ay napaslang matapos ang 10 minutong sagupaan sa Brgy. Cabatangan, Lambunao, Iloilo noong nakalipas na Agosto 15.
Kinilala ang mga ito na sina Maria Concepcion Bacala, gumagamit ng mga alyas na “Ka Concha at Inday”, NDF Consultant at Deputy Secretary ng Kilusang Rehiyon-Panay ng CPP-NPA at Vivian Torato alyas ka Minerva/Muray, Secretary of the NPA Central Front (CF) in Panay.
Si Concha ng Manduriao District, Iloilo City na wanted sa kasong murder na may P5.3 milyong reward ay asawa ni Reynaldo Bocala alyas “Bading”, pi-nuno ng Regional Finance Bureau ng Kilusang Rehiyong Panay na nasawi naman sa engkuwentro sa mga sundalo sa Pavia, Iloilo noong Mayo 2021.
Pinapurihan naman ni Lt. Gen. Fernando Reyeg, commanding general ng Visayas Command ang tropa ng mga sundalo sa kanilang dedikasyon para tiyakin ang kapayapaan at seguridad sa Panay Island.
Narekober ng militar sa encounter site ang tatlong M16 assault rifles, isang grenade launcher, isang 7.62 MM assault rifle, isang shotgun, sari-saring mga bala, magazine, hanheld radio, bandila ng National Democratic Front (NDF) at NPA saka backpacks na naglalaman ng mga personal na kagamitan.
Bunsod nito, naniniwala ang mga opisyal ng militar na natuldukan na ang dekadang insureksyon sa Panay Islands sa pagkakapaslang ng ilan sa mga lider ng mga ito sa buwang kasalukuyan sa serye ng mga naganap na engkuwentro. (SOURCE: PILIPINO STAR NGAYON, AUGUST 18, 2024, JOY CANTOS)