Nakumpiska ng mga hindi unipormadong mga pulis ang isang M16 rifle at mga bala mula sa dalawang matagal ng minamanmanang illegal gun dealers na na-entrap sa Cotabato City nitong hapon ng Miyerkules, October 4, 2023.
Ang dalawang suspects —- sina Razul Compania at Eddie Wong —- ay hindi na pumalag ng arestuhin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region matapos silang bentahan ng M16 rifle, my serial numbers 9752193, sa isang lugar sa PC Hill sa Barangay Rosary Heights 1 dito sa lungsod.
Mismong ang director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, si Brig. Gen. Allan Nobleza, ang nagkumpirma nitong Huwebes ng pagkaka-aresto sa dalawa, nasa kustodiya na ng CIDG-BAR, lilitisin sa paglabag ng Republic Act 10591 na nagbabawal sa pagbebenta at pag-iingat ng ano mang uri ng baril at mga pampasabog na walang pahintulot mula sa Philippine National Police.
Ayon kay Nobleza, ikinasa ng mga kasapi ng Regional Field Unit ng CIDG-BAR at ng mga operatiba nito sa probinsya ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte ang entrapment operation ng makatanggap ng ulat mula sa mga kakilala nila Compania at Wong hinggil sa kanilang illegal na pagbebenta ng mga baril.
Sila ay agad na inaresto ng mga agent ng CIDG-BAR matapos tumanggap ng P50,000 na “boodle money” bilang kabayaran sa kanilang ibenentang M16 rifle at mga bala.
Katuwang ng CIDG-BAR ang Cotabato City Police Office sa entrapment operation na nag-resulta sa pagkaka-aresto kina Compania at Wong, ayon kay Nobleza. (OCTOBER 5, 2023, JFU in Cotabato City)