
Dalawang diumano “killers-for-hire” na sangkot din sa pagbebenta ng shabu ang naaresto ng mga pulis sa Barangay Gang sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong madaling araw ng Miyerkules, New Year’s Day.
Sa pahayag nitong umaga ng Miyerkules ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa kustodiya na nila ang dalawang suspects, sina Salahudin Datukali, 20-anyos, at ang 24-anyos na si Jaybie Abo, nahaharap na sa mga kaukulang kaso.
Ayon kay Macapaz, nadaanan sina Datukali at Abo ng mga tropa ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin, na animo naka-ambush position, may dalang motorsiklo at may inaabangan sa gilid ng highway sa Barangay Gang sa naturang bayan kaya agad nilang sinita at, ng kapkapan, nakunan ng .45 caliber pistol ang bawat isa sa kanila.
Sa ulat nitong Miyerkules ng mga opisyal ng mga intelligence units ng PRO-BAR at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, ilang linggo ng under surveillance ang dalawa batay sa mga impormasyong ipinaabot ng kanilang mga kakilala na sila ay sangkot sa mga serye ng pagpatay nitong nakalipas na ilang buwan sa Cotabato City at sa mga magkalapit na mga bayan ng Sultan Kudarat at Datu Odin Sinsuat.
Sina Datu Kali at Abo ay nagbebenta din diumano ng shabu sa ilang parokyano sa probinsya ng Maguindanao del Norte na pinapadala sa kanila ng mga kasabwat na suppliers na mga taga labas. (January 1, 2025)