2 amasonang NPA, kasama sumuko sa 6th ID

Dalawang amasona sa hanay ng New People’s Army na bihasa sa paggawa ng improvised explosive devices at isa pang kasama ang sumuko sa 37th Infantry Battalion sa Lebak, Sultan Kudarat nitong Sabado.

Kinumpirma nitong Linggo ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, ang pagsuko nila Joy Asil Kandason, Marilyn Insam Gansing at kanilang kasamang lalaki na si Tumiguel Kansal Gumpay sa isang seremonya sa battalion headquarters ng 37th IB sa Lebak, Sultan Kudarat.

Sumuko ang tatlong mga miyembro ng NPA at nanumpa ng katapatan sa pamahalaan sa pakiusap ng mga opisyal ng 37th IB, ni Brig. Gen. Michael Santos na commander ng 603rd Infantry Brigade at ni Mayor Joaquin Concha ng Kalamansig sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Sa mga hiwalay na salaysay nila Kandason, Gansing at Gumpay, konting-konti na lang ang natitirang mga miyembro ng NPA sa magkaratig na mga probinsya ng Sultan Kudarat, Cotabato, Maguindanao del Sur, South Cotabato at Sarangani na sakop ng 6th ID kaya sila nag desisyon na sumuko na at magbagong buhay.

Sa tala ng 6th ID, abot na ng 437 na mga miyembro ng NPA na ang sumuko, mula 2022, sa ibat-ibang mga unit nito na nakakalat naturang limang mga probinsya. (September 30, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *