
Isa na namang grupo ng mga magkasanib na mga miyembro ng Dawlah Islamiya at ng Bangsamoro Islamic Freedom mula sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte ang sumuko sa militar nitong umaga ng Lunes, December 16, 2024.
Sa ulat nitong Miyerkules ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, sumuko ang 15 na mga kasapi ng dalawang terroristang grupo sa pakiusap ng mga local executives at mga opisyal ng 1st Brigade Combat Team at ng mga units na sakop nito.
Nangakong magbabagong buhay na ang 15 na mga armadong terorista sa isang surrender ceremony na ginanap sa headquarters ng 1st Brigade Combat Team sa Maguindanao del Norte, matapos na isuko ang kanilang mga assault rifles, bolt-action sniper rifles, mga improvised explosive devices at 40 millimeter grenade launchers,
Ayon kay Nafarrete, malaki ang naitulong ng mga opisyal ng 1st BCT, pinamumunuan ni Brig. Gen. Vladimir Cagara, sa pagkumbinsi sa 15 na mga terorista na tumiwalag na sa Dawlah Islamiya at BIFF upang makasamang muli ang kani-kanilang mga pamilya.
Sa tala, abot na ng 1,468 na mga miyembro ng dalawang mahina na na mga teroristang grupo ang napasuko mula 2021 ng ibat-ibang units ng 6th Infantry Division sa Central Mindanao, kabilang na ang 1st BCT.