Nasamsam nitong Sabado, June 8, 2024, ng tropa ng 1003rd Infantry Brigade ang 14 na mga assault rifles ng isang grupo ng New People’s Army na nakatago sa isang kubo sa Barangay Lumintao sa Quezon, Bukidnon.
Sa pahayag nitong Lunes ni Major Gen. Allan Hambala, commander ng 10th Infantry Division, nasa kustodiya na ng 1003rd Infantry Brigade ang walong M16A1 rifles, isang M653 rifle, dalawang M14 rifles at tatlong AK-47 rifles na nasamsam sa naturang operasyon, naisagawa sa tulong ng mga residente ng Barangau Lumintao.
Ayon kay Hambala mismong mga residente ng Barangay Lumintao na matagal ng nagrereklamo sa pangingikil sa kanila ng buwanang “revolutionary tax” ng mga teroristang NPA ang nagturo kina Brig. Gen. Marion Angcao, commander of the 1003rd Infantry Brigade, sa kinaroroonan ng naturang mga armas.
Sa hiwalay na mga pahayag, pinasalamatan ni Hambala at ni Angcao ang mga residente ng Barangay Lumintao na tumulong sa operasyon na nag-resulta sa pagkasamsam ng naturang mga armas ng mga teroristang NPA. (June 10, 2024)