11 tindahan sa Upi, Maguindanao del Norte, tupok

Abot sa 11 na mga magkakatabing maliliit na tindahan, kabilang ang bentahan ng mga kwitis at paputok para sa New Year’s celebration, sa Barangay Nuro sa Upi, Maguindanao del Norte ang tinupok ng apoy nitong hapon ng Huwebes, December 26, 2024.

Umalingawngaw ang mga putok sa kapaligiran sanhi ng pagkasunog ng mga firecrackers sa isa sa 11 na mga tindahan na tinupok ng apoy.

Maagap namang napigilan ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection at mga emergency responders ng Upi local government unit at mga barangay officials ang pagkalat ng apoy sa palengke sa Barangay Nuro.

Inaantabayanan pa ang kumpletong ulat ng BFP Upi Fire Station hinggil sa insidente.

Sa direktiba ni Bangsamoro Social Services Minister Raissa Jajurie, agad na nagpaabot ng inisyal na ayuda para sa mga biktima ng sunog ang Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pamamagitan ng mga empleyado nito na naka-base sa Upi. (December 27, 2024, handout photo)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *