1,000 tree seedlings naitanim sa forest park ng bagong BARMM municipality

Magkatuwang na nagtanim ng 1,000 Narra seedlings ang mga residente, mga estudyante, mga sundalo, mga pulis local officials at mga kasapi ng Serbisyong Inklusibo, Alyansang Progresibo (SIAP) Party sa isang “forest park” project sa Barangay Datu Binasing sa bagong tatag na Pahamuddin municipality na sakop ng Bangsamoro region, ngunit nasa Cotabato province na sakop ng Region 12.

Sa mga hiwalay na ulat ng Pahamuddin local government unit at ng mga opisyal ng 34th Infantry Battalion nitong Martes, isinagawa ang tree planting activity nitong Linggo, December 1, 2024.

Kabilang sa mga lumahok sa naturang aktibidad ang abugadong si Naguib Sinarimbo, dating local government minister ng Bangsamoro region at namumuno ng SIAP sa Cotabato City at sa Special Geographic Area na sakop ang walong bagong tatag na mga Bangsamoro municipalities sa Cotabato province sa Region 12.

Nandoon din ang kabiyak ni Sinarimbo na si Rosslaini Alonto Sinarimbo na director-general ng Ministry of Trade, Investment and Tourism-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Bilang suporta sa tree-planting activity, namigay ng ayudang bigas sa mga sumama sa pagtanim ng 1,000 Narra tree seedlings sa naturang forest park project ang dalawang kasapi ng BARMM parliament, ang regional lawmakers na sina Amir Mawallil at Rasul Mitmug. (Dec. 3, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *