
Isa sa tatlong nakapatay ng isang kamag-anak na Moro nitong hapon ng Lunes sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte ang kusang loob na sumuko sa pulisya limang oras matapos ang insidente, inaagapan na mauwi sa “rido,” o away ng mga angkan.
Sa pahayag nitong Martes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, pumayag na magpakustodiya na sa pulisya si Maguid Zailon Mangelen sa pakiusap ng local officials at ng hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station na si Lt. Col. Esmael Madin.
Ayon sa mga saksi, isa si Mangelen sa tatlong nakapatay gamit mga baril sa kanilang kamag-anak na si Anowar Buisan sa kalagitnaan ng kanilang mainitang pagtatalo sa isang lugar sa Barangay Bulalo sa Sultan Kudarat nitong hapon ng Lunes.
Tumakas si Mangelen at ang dalawa pang sangkot sa insidente, sina Tony Ansa at si Udtog Odin, ngunit sumuko din siya kalaunan at ipinakustodiya sa mga pulis sa Sultan Kudarat ang kanyang Colt .45 caliber pistol na kanyang ginamit sa pamamaril kay Buisan.
Ayon kay Macapaz, nagtutulungan ang mga kasapi ng Sultan Kudarat police force at mga operatiba ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office sa paghanap kina Ansa at Odin at nagsisikap din silang maayos ang insidente ayon sa Maguindanaon tradition upang maiwasan na magka-rido, o clan war, ang mga angkan ni Buisan at ng mga nakapatay sa kanya. (November 26, 2024, with handout Facebook image)