
Isang lalaki ang agad na namatay sa mga tama ng bala habang tatlong iba ang naisugod sa mga hospital matapos silang pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo sa Barangay Rio Hondo sa Zamboanga City nitong umaga ng Sabado, September 1, 2024.
Ayon sa mga opisyal ng Police Regional Office-9 at ng Zamboanga City Police Office, magkasama sa isang lugar ang apat na lalaki ng sila ay lapitan ng dalawang magkaangkas sa isang motorsiklo at agad na pinagbabaril.
Sa inisyal na pahayag ng Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office 9, nagtutulungan ang mga barangay officials sa Rio Hondo at mga imbestigador ng Zamboanga City Police Office sa pagkilala sa dalawang responsable sa naturang krimen, agad na nakatakas, upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
Isa sa tatlong sugatan sa naturang insidente ang isinugod sa Zamboanga City Medical Center habang ang dalawa naman ay ginagamot na sa Ciudad Medical Zamboanga.