Idineklarang under state of calamity ng Sangguniang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur ang probinsya nitong Martes kasunod ng pagbaha sa 17 sa 24 na mga bayan nito sanhi ng paulit-ulit na ulan nitong nakalipas na mga araw.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Miyerkules ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ng 6th Infantry Division at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management office, 72,309 na na mga residente ang apektado ng baha sa 17 bayan na sakop ng probinsya.
Ayon ka Amer Jehad Ambolodto, tagapamahala ng Maguindanao del Sur PDRRMO, ang resolusyon ng kanilang provincial board na nagdeklarang under state of calamity ang probinsya ay siyang batayan ng pagpapalabas ng emergency funds ng provincial government para sa relief operations sa mga lugar na binaha.
Mismong si Maguindanao del Sur Gov. Mariam Mangudadatu ang nagmamanman ng relief operations ng PDRRMO sa mga binahang bayan sa probinsya, ayon kay Ambolodto.
Ang 17 na mga bayan sa Maguindanao del Sur na binaha ay hindi kalayuan sa 220,000-ektaryang Ligawasan Delta na bagsakan ng mga tubig baha na dumadaloy sa malalaking mga ilog mula sa mga kabundukan sa mga probinsya ng Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat at Bukidnon. (July 17, 2024)