Bagamat hindi na sakop ng kanyang administrasyon, susuportahan ni Cotabato Gov. Emmylou Taliรฑo Mendoza ang mga peace and development programs ng mga bagong talagang mayors, vice mayors at mga municipal councilors ng walong bagong tatag na Bangsamoro municipalities sa kanyang probinsya.
Ito ang pahayag ni Gov. Mendoza nitong Linggo, kasunod ng panunumpa sa katungkulan ng mga bagong talagang municipal officials ng Pahamudin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabacan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan at Ligawasan, sa harap ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim nitong Sabado, July 13, 2024, sa Bangsamoro Capitol sa Cotabato City.
Sakop ng naturang walong mga bayan na nasa loob ng Cotabato province ang 63 na mga barangay na naging parte ng teritoryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao batay sa pag-pabor sa naturang panukala ng mga residente sa pamamagitan ng plebisito noong February 2019 kaugnay ng kasunduang pangkapayapaan ng Moro Islamic Liberation Front at ng Malacaรฑang.
Kilala si Gov. Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, sa kanyang extensibong pagsuporta sa peace process ng pamahalaan at ng MILF at ng Moro National Liberation Front na may mga kampo sa mga bayan na sakop niya.
Ayon kay Mendoza, mananatiling bukas ang kanyang tanggapan sa Cotabato provincial capitol sa Kidapawan City sa mga residente at mga bagong talagang mga opisyales ng walong Bangsamoro municipalities sa probinsya kung sila ay may mga pangangailangang serbisyo publiko na kayang tugunan ng kanyang administrasyon. (July 14, 2024)