Patay ang tatlong miyembro ng isang private armed group habang sugatan naman ang isang pulis sa isang engkwentro nitong Martes, July 16, 2024, sa Barangay Palkan sa Polomolok, South Cotabato.
Sa ulat nitong Miyerkules ng Polomolok Municipal Police Station kay Brig. Gen. Percival Augustus Placer, director ng Police Regional Office-12, agad na nasawi sanhi ng naturang engkwentro sina Ronnie Romano, Harold Pasaquian at Yokh Dajay na nakunan ng dalawang M1 Carbine rifles at isang M16 assault rifle.
Isa sa mga kasama ng tatlo, si Nestor Espelon, ay naaresto matapos ang insidente at nakumpiskahan din ng baril at mga bala.
Ayon sa mga local government officials sa Polomolok, ang nasawi na sina Romano, Pasaquian at Dajay ay kabilang sa isang private armed group na nagbibigay proteksyon sa isang may-ari ng lupa sa naturang bayan na may mga kinakaharap diumano na mga land ownership cases.
Sumiklab ang engkwentro na nagsanhi sa kanilang pagkasawi at bahagyang pagkasugat ni Police Chief Master Sgt. Jonathan Boiser ng kanilang paputukan ang mga kasapi ng Polomolok MPS at mga miyembro ng Special Action Force na naatasang alamin ang ulat ng mga residente ng Palkan hinggil sa kanilang paglilibot sa isang liblib na lugar sa naturang barangay na may mga bitbit na assault rifles. (July 17, 2024)